3rd
Sunday of Easter C
– in the Year of Faith
April 14, 2013
First Reading: Acts of the Apostles 5:27-32, 40b-41
Responsorial Psalm 30:2, 4, 5-6, 11, 12-13
Second Reading: Revelation
5:11-14
Gospel Reading: John 21:1-19
Ano ang gagawin natin/mo kapag ang lahat
ng sa atin/sa iyo ay biglang nawala na? na ang tangi natin/mong pag-asa ay
umalis na o lumisan na at naglaho na? namatay na? na abo na? Papaano kung iniwan o iiwanan kayo/ka na at
siya’y lilisan na? May gana pa ba
kayo/ka na magpatuloy, mangarap, magsumikap para maging matatag kayo/ka,
sama-sama pa rin at magda-damayan para sa magandang kinabukasan? Susuko na lang ba tayo/ka na lang ba, na para
bang ibabagsak na lang natin/mo ang lahat sapagka’t gumuho na ang atin/iyong
mundo? wala na ang ating kasama? At ang
lahat ng atin/iyong pagsusumikap, mga plano at naipundar ay ma-a-abo na lang?
liliparin na lang ng hangin, itutumba na lang at hahayaan na lang natin/mong
mabulok hanggang sa ang lahat ng ito ay matunaw sa wala? Parang wala na, wala ng buhay, wala ng
kalatuy-latoy ang buhay; parang walang nangyari sa hinaba-haba ng pagsasama, ng
mga karanasang pinag-saluhan, ng mga karanasang dinanas at pinag-daanan?
Ang lahat ng ito at iba pa ang naging
karanasan, damdamin at kaisipang pinag-daraanan ngayon ng mga Apostol Pedro,
Juan, Santiago, Andres at mga kasama ng ating Panginoong Hesukristo matapos na
siya ay hulihin, husgahan, pahirapan, saktan, magpasan at ipako sa krus,
hanggang sa siya ay mamatay at ilibing.
Para sa mga Apostol at disipulo, wala na ang Panginoon at nawala na rin
ang kanilang pananampalataya, pag-asa, at pagmamahal. Para sa kanila ay nalibing na rin ang lahat-lahat
sa kanila at patay na rin sila, ng akalain nilang si Hesus ay tuluyan ng
namatay at naglaho. Kaya si Pedro ay
naghubad na ng kanyang kasuutan at nagsabi sa kanyang mga kasama na “Babalik na lang ako sa pangingisda.” At, sampu ng kanyang mga kasama ay nagsabi na
sila ay sasama rin sa pangingisda sa kanya; na para bang gusto nilang sabihin
na: “Balik na lang tayo sa dating gawi,”
babalikan na lang nila ang dati nilang ginagawa, dati nilang buhay, total wala
na ang kanilang kasama, pinuno, kaibigan, guro o maestro at Panginoong
Hesukristo.
Magka-kanya-kanya na lang ba tayo o ikaw
at bahala na total patay na o wala na ang atin/aking inaasahan at pag-asa ng si
Hesukristo? Hanggang dito na lang
tayo. O hanggang dito na lang nga ba?
Pagbalik nila Pedro, Juan at Santiago,
Andres at iba pa, sa dagat o sa dating gawi, para mangisda ay bakit gayon, wala
silang nahuli kahit isang isda gayong magdamagan pa sila sa laot? Bakit naging mailap sa kanila ang mga isda?
At maging ang pampang ng dagat ay parang lumayo sa kanila?
Ang sagot ay dahil sa ang dati nilang
buhay at nakasanayan ay nagbago ng dumating si Hesukristo sa kanilang
buhay. Sila na mga sanay o dalubhasa sa
pangingisda at alam o kabisado nila ang pasikut-sikot ng dagat, dahil dito na
sila lumaki at nabuhay, na kabisado nila pati ang kalaliman o maging ng pampang
ng dagat sa Galilea. Maging ang pagkilos
at alon ng dagat ay alam nila kung marami o kakaunti ang isdang naroroon. At sa bawa’t hagis nila ng lambat sa tubig ay
sigurado silang marami silang mahuhuling isda.
Subali’t sa kabila ng lahat ng ito – ang kanilang pagiging sanay na
mangingisda, ang kanilang kabuhayan at maging ang kanilang pamilya, ay kanila
ng tinalikdan ng sumama sila kay Hesukristo; na sila doo’y mas mabuhayan ng
loob, lumaki ang pag-asa, lumaya sa maliit nilang mundong ginagalawan, narating
ang mga hindi inaasahang lugar, naka-tagpo ng iba’t-ibang klase ng tao (mayaman,
mahirap, may kapangyarihan, alipin, malusog, mahina, may pinag-aralan mangmang,
at iba pa). Naturuan din sila ng
karunungan ng mga maka-Langit na bagay, gayon din ng pakikibaka sa mga
masasamang element, ng katarungan at pag-respeto sa lahat. Lumaya sila sa kanilang pagka-alipin sa
sarili, at nagkaroon sila ng bagong buhay, ng bagong daan at ng bagong katotohanan. At ang lahat ng ito ay dahil kay Hesukristo
na kanilang Kaibigan, Guro at Panginoon!
Nguni’t komo wala o mawawala na si
Hesukristo ay maglalaho na rin ang kanilang natutuhan at naranasan mula sa
Kanya, at hindi na nila ipagpapatuloy ang mga gawaing itinuro Niya sa kanila. Gayon
na lang ba iyon?
At tulad ng inaasahan, di sukat akalain
nina Pedro, Juan at Santiago, ni Andres at iba pa mga kasama nila sa bangka na
sila ay tawagin at sabihan ng isang tao mula sa pampang sa gayong oras na
magma-madaling-araw, kung may nahuli ba sila at ituro sa kanila kung saan
maraming isda malapit sa pampang. Tulad rin
ng dati, ang tunay na nagmamahal ang mas makaka-kilala sa kanyang minamahal, ay
nagsabi: “Ang Panginoon iyon!” At sa pagkasabi nito, silang lahat ay nabuhay
ng loob. Nagkalakas at sumigla muli
sila, at nanumbalik ang pag-asa. Mas luminaw na ngayon ang kanilang pang-unawa sa mga
nangyayari sa kanila. At sa sandaling
iyon, agad nagbihis muli si Simon Pedro sa kanyang kahubaran. Isinuot niyang muli ang hinubat niyang damit ng bagong
pagkatao - ng pananamplataya, pag-asa at pag-ibig na may paglilingkod. Ngayon ay handa na ang lahat, handa na sila
sa muling pagdating at pagpapakita sa kanila ng Panginoon, ng pakikisalo sa
kanila sa pagbubukang-liwayway. At upang
makatiyak na alam na nga nila ang kanilang gagawin sa kanyang pag-alis, sa
kanyang paglisan ay maka-tatlong beses silang tinanong ng ating Panginoong
Hesukristo sa pangunguna ni Simon Pedro na: “Iniibig ninyo ba ako ng higit pa dito (sa mga isdang ito, sa dati
ninyong buhay at gawi, na gusto ninyong balikan)?” At maka-tatlong beses din nilang
pinatunayan ang kanilang pagmamahal at pagsunod sa ating Panginoon.
Ngayon ay mas handa na sila, sa kabila
ng pagdating, pagpapakitang muli at paglisan ng ating Panginoong Hesukristo, at
magpa-alam sa atin, ay naniniwala na sila na sumasa-atin pa rin ang dakilang
Panginoong Hesukristo kahit na Siya ay liliwan; upang ipagpatuloy natin ang
lahat ng ating natutuhan sa Kanya; higit sa lahat ang pakainin, mahalin at
alagaan natin ang Kanyang kawang iiwan Niya sa atin sa kabila na wala na siya
dito sa lupa at hindi na makaka-sama . . . At kahit na iiwanan na tayo ng ating
Panginoong Hesukristo ay mananatili pa rin natin siyang kasama hanggang sa katapusan
ng panahon!
Geen opmerkingen:
Een reactie posten